Nakakalungkot isipin na ang pabungad ng panibagong taon ay isang mainit na diskasyon sa pagitan ng mga taong magkakadugo na humantong sa hindi maiwasang katotohanan ng panibagong negatibong pagbabago. Pagbabagong nung una ay tinatrato kong tila isang virus na nakakamatay. Virus na hindi maiiwasan. Ngayon, pagkalipas nang sunod sunod na pagbabago, parang ako ay immune na. Andiyan na yan, hindi na maiiwasan. Tanggapin na lng. Ano pa ba ang magagawa nang pagkontra sa mga bagay na wala naman sa aking mga kamay upang maibago ayun sa aking kagustuhan? Nakakamiss ang pagiging isang inosenteng bata na ang pinoproblema lng tuwing bagong taon ay kung ilang tsokolate pa pede kong kainin ayun kay nanay. Habang lumilipas ang panahon at bawat bagong taon na lumipas, hindi ko maiwasang isipin na ang bawat selebrasyon ng bagong taon ay unti-unting nababahiran ng mga negatibong bagaybagay bawat taon.
Nakakapagod.
Nakakadepress.
Sabi nga ng ate, ano ba mamagawa ng pagiging depress? Wala ka rin naman paghahantungan kung iiyak ka lng.
Naaalala ko nung bagong taon, habang kinakain namin ang handa para sa media de noche, ginawang biro na lng ni kuya ang lahat ng nangyari. Tawa kami ng tawa nun. Pero hindi nakatakas mula sa aking mga mata ang mga luha nila ate at mommy. Luha na madaling mapagkamalan na dahil sa tuwa. Hindi ko maalala kung gaano ako katagal na nakatingin sa kanila. Pero naaalala ko kung gaano sila umiyak. Umiiyak sa pagitan ng tuwa at sobrang lungkot. Ang sakit pagmasdan na nasasaktan ang kapamilya ko pero wala ako magawa.
Pero natutunan ko mula rin sa kanila na hindi maiiwasan sa buhay ang hindi masaktan. May mga pagbabagong mahirap tanggapin at meron din namang nakakabuti. Sa mga pagbabagong hindi kanaisnais, hindi naman natin kailangan laging mamaluktot. Dapat taas noong hinaharap. Masakit pero lilipas din yan. May mga panahong iiyak ka pero mamaya masaya ka na rin ulit.
Ang mga pagbabago sa buhay ay hindi dapat iniiwasan. Dapat, ito’y hinihirap na may mataas na paniningdinggan sa sarili at mataas na tiwala na kahit ilang beses ka pa lumagakpak sa lupa, makakatayo ka rin. Makakatayo ka hangga’t sa kaya pa ng iyong mga paa.